Pamahalaan, Layong Palakasin ang Produksyon ng Adlay para Tulungan ang mga Magsasaka

Upang matulungan ang mga magsasaka at mapaigting ang food security ng bansa ay isinusulong ng pamahalaan na palakasin ang produksyon ng ‘adlay’ bilang isang alternative staple food na may layong pataasin ang kinikita ng mga magsasaka.
Para kay Cabinet Secretary Karlo Elexei Nograles, maituturing na ‘game changer’ ang produksyon ng adlay bilang panlaban sa gutom at kahirapan dahil higit na masustansiya aniya ito kumpara sa mais, maging sa brown at white rice.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA), sisikaping buksan ang produksyon ng adlay sa CARAGA region upang magsilbing staple food ng mga residente, pagmumulan ng kabuhayan ng mga magsasaka at maging ng mga taong nakatira sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).