PH Economy, Mananatiling nasa ‘Double Negative’ sa mga Natitirang Buwan ng 2020

Inaasahan ng mga eksperto na mananatili sa double-negative scale ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na kalahating taon kung magpapatuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipino sa programang Pulsong Pinoy, sinabi ni Financial Analyst Astro Del Castillo na malaki ang tiyansa na makababawi ang ekonomiya sa mga natitirang buwan ngunit mananatili pa rin sa double negative range.
Ito’y matapos maitala ng Philippine Statistics Authority ang datos na bumaba ng -16.5% ang ekonomiya ng bansa kumpara sa mga parehong buwan ng nakaraang taon.
Ito na ang pinakamababang porsyentong naitala ng Pilipinas at naghulog sa bansa papunta sa isang recession sa pinakaunang pagkakataon simula noong 1981.
Ayon kay Del Castillo, maiuugnay ang pagbaba sa Taal Volcano eruption noong Enero at ang enforced nation-wide lockdown dulot COVID-19 pandemic noong Marso, na nagbawal sa pag-ooperate ng halos lahat ng mga negosyo.
Sinabi din ni Castillo na hindi raw nakagugulat ang pagbaba at bagkus ay inaasahan pa ito ng gobyerno.
Pinaalala naman ng financial analyst sa publiko na maging positibo at magkaisa ang mga Pilipino upang matalo ang giyera laban sa pandemiya.