Pinas, Nasungkit ang Tatlong Pangunahing Parangal sa 27th World Travel Awards


Nasungkit ng Pilipinas ang tatlong pangunahing parangal sa ginanap na 27th World Travel Awards nitong mga nakaraang araw kung saan tinalo nito ang labing-isa pang nominadong bansa para sa Asia Category.

Pinarangalan bilang Asia’s leading beach destination, Asia’s leading dive destination, at 2020 leading tourist board in Asia ang bansa.

Lubos naman ang pasasalamat ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa ibinigay na parangal ng 2020 World Travel Asia sa Pilipinas, at aniya ay isa ito sa inspirasyon sa pagpapabuti pa ng kanilang departamento ngayong unti-unti nang binubuksan ang turismo ng bansa sa kabila ng krisis na kasalukuyang kinakaharap.

Dagdag ng kalihim, imposibleng makamit ng kagawaran ang parangal kung wala ang tulong ng kanilang mga tourism stakeholders, pagsusumikap ng mga local government units (LGUs), at mga Pilipino para pausbungin pa ang turismo ng bansa sa pamamagitan ng kultura, at mga dekalibreng produkto.


Ikalawang pagkakataon na nang magwagi sa parehas na parangal ang kagawaran.