top of page

Pinoy Nurse sa Ireland, Namahagi ng Gadgets para sa Distance Learning ng mga Estudyante sa Pilipinas


Photo from Facebook.com/aldrinrulics

Isang online fundraising campaign ang sinimulan ni Aldrin Licayan, isang Filipino nurse sa Ireland, upang matulungan ang mga Pinoy students na walang magagamit na gadgets sa blended learning system na ipapatupad ng Department of Education (DepEd) sa darating na pagbubukas ng klase.

Ilang estudyante na ang natulungan ng campaign ni Licayan, lalo na ang mga mag-aaral mula sa probinsiya na walang pambili ng nasabing gadgets.

Sa isang video, sinabi ng nurse na alam daw nito ang hirap ng hindi makapag-aral dahil sa kahirapan at gusto raw nitong matulungan ang mga kabataang ganun din ang nararanasan.

Karamihan sa mga tinutulangan ng ‘Distance Learning Tablets for Filipino Youth’ campaign ay mga estudyanteng edad 10 to 19 mula sa mga probinsiya ng Quezon, Cebu, South Cotabato, at Davao del Sur.

Ayon kay Licayan, halos lahat ng mga nag-donate sa online campaign ay mga kapwa niyang overseas Filipino workers (OFWs) at ilang mga foreign nationals.

Ipinarating rin ni Licayan ang kaniyang kagustuhang ipagpatuloy ang campaign upang makapamahagi rin ng alcohol at face masks sa mga guro.

Pinaabot naman ng mga estudyante ang kanilang pasasalamat sa mga tumulong sa kanilang magkaroon ng tiyansang makapag-aral sa bagong blended learning ng gobyerno.

bottom of page