Pinoy Surfer na Sumagip ng Indonesian noong SEA Games, Ginawaran ng Parangal Abroad

Gagawaran ng prestihiyosong Pierre de Coubertin Act of Fair Play Award ng International Fair Play Committee si Filipino Surfer Roger Casugay bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihang ipinakita noong Philippine Southeast Asian Games.
Kilala ang tubong-La Union sa kaniyang pagsagip kay Indonesian Surfer Arip Nurhidayat, na kaniyang kapwa kalahok, mula sa pagkakatangay sa isang malaking alon. Si Casugay ang unang Pilipinong tatanggap ng nasabing parangal.
Ipinarating naman ni Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez ang kaniyang galak sa manlalaro at sinabing ito raw ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Pilipino at sportsman.
Ipinahayag din ni United Philippine Surfing Association President Dr. Jose Raul Canlas ang kaniyang pagmamalaki kay Casugay.
Nakatanggap din ng papuri ang Pinoy surfer mula kay Indonesian President Joko Widodo sa kaniyang pagpapakita ng sportsmanship at pagsagip kay Nurhidayat.
Tatanggapin ni Casugay ang parangal sa pamamagitan ng isang virtual awards ceremony mula sa Monaco sa Oktubre 27.