Project Lapis, Isinusulong ng Isang Guro sa Cagayan para sa mga Katutubo

Gaano man kahirap para kay Herson Raquinio, isang guro sa Cagayan, ang pagtawid sa ilog patungo sa komunidad ng katutubong Agta sa lilib na barangay ng Niug Norte sa bayan ng Rizal, Cagayan ay hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang kanyang isinusulong na Project Lapis para sa mga batang katutubo rito.
Mahigit isang taon nang isinusulong ni Herson ang Literacy Assistance Program for Indigenous Student o Project Lapis para sa komunidad ng katutubong agta na may layong tulungan ang mga batang katutubo na matuto at makapag-aral.
Ayon kay Herson, nang magsimula ang pandemya natigil nang dalawang buwan ang proyekto ngunit di kalaunan ay nagluwag din ang pamahalaan ng restriksyon at muli na naman aniyang naisip na buhayin ang proyekto para sa komunidad.
Bukod sa pagtugon ng guro sa edukasyon ng mga batang katutubo sa komunidad ay nagbabahagi rin siya ng mga school supplies at pangunahing pangangailangan ng mga residente rito sa kabila ng kinakaharap na krisis ng bansa.