top of page

PSE Nagbabala sa mga Kumakalat na Investment Scam


Photo is for illustration purposes only.

Habang marami ang nagkukumahog na palaguin ang kani-kanilang pera dulot ng krisis dahil sa COVID-19, sinasamantala naman ng mga scammers ang pagkakataon upang magsagawa ng investment schemes sa ilalim ng Philippine Stock Exchange (PSE).

Nagbabala naman ang PSE na huwag magpaloko sa ganitong mga modus kung saan ang mga investment schemes na ito ay nag-aalok di umano ng 62% na tubo o kita.

Nilinaw ng PSE na nag-aanunsyo lamang sila gamit ang kanilang official website, official social media accounts at official email, at walang kahit anong solicitation ang kanilang ginagawa sa kahit sinong indibidwal.

Inanunsyo ito ng PSE matapos silang makatanggap ng report na marami ang nabiktima ng scam na ito sa ilalim ng email address na philippinestockexchange@gmail.com na humihingi ng investment na P24,900 hanggang P135,500 na gumagarantiya ng 45% hanggang 62% na cashback.

Maaaring i-report ang mga nag-aalok ng ganitong mga scheme sa investing@pse.com.ph o sa kanilang contact number na +632 8876-4888.

bottom of page