Scammers, Nagpapanggap bilang DOH Contact Tracers

Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging alisto at maingat sa mga taong nagpapanggap bilang COVID-19 contact tracers upang makakuha ng personal na impormasyon at makapang-scam.
Sa facebook post ng ahensiya, sinabi ng DOH na nakatatanggap daw sila ng mga ulat na nagsasabing tumatawag at nagmemensahe ang mga ito at nagpapakilala bilang miyembro DOH Contact Tracing Team.
Nilinaw ng ahensiya na wala silang ‘contact tracing team’ at sinabing manghingi ng karagdagang pagkakakilanlan ang mga Pilipino kung mayroon mang magpakilalang contact tracers sa kanila.
Nakikipag-ugnayan na umano ang DOH sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang isyu.
Inanyayahan din ng ahensiya na huwag magreply o sumagot sa mga pekeng contact tracers at agad na i-block ang number, o ‘di kaya’y mag report sa DOH hotlines o email.