Tahong Vendor sa Imus, Nagsauli ng P15 Milyong Halaga ng Tseke

Hindi nag-atubiling isauli ng tapat na tahong vendor na si Marlon Tanael ang nahulog na backpack sa gitna ng kalsada na naglalaman ng isang sobreng may kasamang tseke sa loob na nagkakahalaga ng tinatayang P15,000,147.80 habang siya’y naglalako sa tabi ng lansangan.
Nang makita ni Marlon ang backpack na nahulog sa sakay na tricycle ay agad niya itong kinuha at pansamantalang itinabi habang siya’y nagbebenta ng kanyang tinitindang tahong sa gilid ng isang stall sa Talaba II sa Cavite.
Kinabukasan ay sinilip niya ang loob ng backpack dahil sa pakiwari niya’y wala itong laman dahil sa sobrang gaan at nang kanyang buksan ang brown envelope, dito niya natuklasan na mayroon itong lamang tseke at agaran siyang nagtungo sa Treasurer’s Office ng Imus para isuko.
Kinalauna’y naisauli rin sa totoong nagmamay-ari ang naturang gamit na naglalaman ng tseke kay Gramwil Mark Pango ng ProFriends Properties.
Nais namang parangalan si Marlon upang bigyang pugay ang katapatang ginawa niya sa kabila ng pandemyang kinakaharap ng bansa.