‘Tapa for A Cause’, Hatid ng Isang Batang Siklista sa Lipa City

Sa pamamagitan ng bisikleta, maayos na naihahatid ng isang batang siklista sa kada barangay ng Lipa City ang kanyang panindang tapa na siya mismo ang gumagawa upang may maipambili ng gamot sa kanyang kapatid.
Nang magsimula ang implementasyon ng quarantine restrictions sa bansa ay naisipang pagkaabalahan ni Renz Nixon Lindog, 20-anyos ang paggawa ng tapa upang makatulong sa kanyang pamilya lalo na’t natigil ang iba nitong kapatid sa kani-kanilang trabaho.
Bagama’t nahinto man ang trabaho ng kanyang mga kapatid ngayong panahon ng pandemya ay hindi ito naging hadlang upang suportahan ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang kapatid na may sakit sa baga.
Umabot na sa 40 kilong order ng tapa kada araw ang naibebenta ni Lindog mula sa pitong kilong order noong siya ay nagsisimula pa lamang kaya naman tinawag niya itong “Tapa for A Cause” na may layong tulungan ang kapatid niyang may karamdaman.
Kasalukuyan nang nasa kanilang bahay kanyang kapatid at nagpapagaling ngunit mayroong naiwang bayarin sa ospital kaya naman mas lalo pinagbubutihan ni Lindog ang pagbebenta.