Tatlong Antiviral Drugs, Inaaral ng mga Eksperto Bilang Gamot sa Covid-19
By: Estephany Rivera
Naging mabisa ang kombinasyon ng tatlong antiviral drugs sa pagpapabilis ng paggaling ng mga pasyente mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa isang pag-aaral na isinagawa sa Hong Kong University.
Ayon sa mga researchers, ang mga pasyenteng nakararanas ng mild hanggang moderate symptoms ay gumaling sa loob lamang ng pitong (7) araw matapos bigyan ‘triple drug therapy’ na mula sa pagsasama-sama ng HIV drug combination ritonavir at lopanivir, at ribavirin antiviral drugs.
Natuklasan din na bumuti ang pakiramdam ng mga pasyente sa loob lamang ng apat (4) na araw na karaniwan ay inaabot ng dalawang linggo o 14 days.
Gayunpaman, sinabi ni Research Team Head Dr. Kwok-Yung Yuen na kinakailangan pa ng karagdagang testing upang mapatunayan ang bisa at epekto ng ‘triple antiviral therapy’ laban sa COVID.
Umaasa naman ang mga mananaliksik na pwede itong makatulong sa mga paggamot ng COVID maliban sa experimental antiviral drug redemsivir na nag-iisang awtorisadong gamot sa pandemic sa ngayon.
Isinaad naman ng grupo na mayroong mga side effects ang naturang gamot ngunit walang partikular na nabanggit kung ano ang mga ito.
