• Radyo Pilipino News Team

Temporary Ban sa Chicken Product ng Brazil, Pinananatili ng DA


Pinananatili ng Department of Agriculture (DA) ang kasalukuyang temporary ban sa pag import ng produktong manok mula sa Brazil.

Ito ang ipinarating ng DA kasunod ng panawagan at liham ni Trade Secretary Ramon Lopez na tanggalin na ang ban sa Brazil bunsod ng posibleng magkaroon ng kakapusan ng supply ng manok na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng manok sa bansa.

Napag-alamang hinihintay muna ng DA at Bureau of Animal Industry (BAI) ang report at tugon ng Ministry of Agriculture, Livestock and Supply (MAPA) kaugnay ng napaulat na kontaminado umano ng Covid-19 ang mga ipinapasok na produktong karne ng manok mula sa Brazil bago tanggalin ang ban ng produktong manok sa naturang bansa

Matatandaang kamakailan ay nagtakda ng temporary ban ang DA-BAI sa mga ipinapasok na Brazilian poultry products matapos madiskubre sa China na nagtataglay ng traces ng Covid-19 ang kanilang mga chicken products na galing sa Brazil.

Nag-aalala ang DA-BAI sa mga napapaulat na tumataas ang bilang ng mga nag positibong taong may kaso ng Covid-19 sa naturang bansa kabilang ang mga mangagawa na nasa meat processing facilities kung kaya hindi anila ito dapat ipag-sawalang bahala.

Sa ipinadalang liham kamakailan ni BAI Director Ronnie Domingo kay MAPA chief veterinary officer Dr. Geraldo Marcos de Moraes ng Brazil, ipinarating nito na precautionary measures lamang ang ginawang hakbang ng kagawaran upang masigurong ligtas ang publiko sa banta ng natirang nakahahawang sakit at kaagapay ang ahensiya sa hangaring tuluyang maresolba ang naturang usapin.

“The Philippines greatly values its long-standing harmonious relations with Brazil. We look forward to your prompt response,” nakasaad sa liham na ipinadala ni Domingo sa nasabing opisyal ng Brazil.

Sa kasalukuyan, ang Brazil ang pangalawa sa may pinakamatinding tinamaan ng Covid-19 outbreak sa buong mundo kung saan napaulat na nasa mahigit 3.2 milyon na ang kaso at mahigit sa 105,000 ang nasawi simula ng magsimula ang pandemic. --- by: BENEDICT ABAYGAR, JR.