Voter Registration, Ipagpapatuloy sa Sept 1

Ipagpapatuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang muling operasyon ng rehistrasyon ng mga botante ngayong darating na September 1 bilang paghahanda sa tinatawag na “new normal” ng pamahalaan ngayong may pandemic.
Sa ilalim ng Comelec Resolution 20674, pinahihintulan ang pagpapatuloy ng operasyon para sa rehistrasyon ng mga botante sa unang araw ng Setyembre maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine.
Nakapaloob din sa naturang resolusyon ang mga panuntunan sa pagpapatupad ng mga preventive measures upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nilinaw naman ni Comelec spokesman James Jimenez na ang mga lugar na kasalukuyang nasa ilalim ng enhanced community quarantine o modified enhanced community quarantine sakaling mailipat sa mas maluwag na quarantine restrictions ay otomatikong bubuksan ang rehistrasyon para sa mga ito.