Zoo sa Poland, Gagamit ng Marijuana sa Panggagamot sa mga Elepante

Idineklara ng Warsaw Zoo sa Poland na sisimulan na nito ang ground-breaking pilot project na gagamit ng medical marijuana bilang stress-reducing medicine sa mga African elephants.
Ayon sa beterinaryo ng proyekto na si Agnieszka Czujkowska, walang masamang epekto sa mga elepante ang CBD, isang cannabinoid relaxant, na ituturok sa mga elepante. Hindi raw ito nagdudulot ng euphoria o anumang epekto sa atay o bato ng mga hayop.
Malawakan ng ginagamit ang medical cannabis sa panggagamot sa mga aso at kabayo ngunit ito umano ang unang proyekto na gagamitin ang gamot sa mga elepante.
Sinabi ni Czujkowska na makatutulong umano ang proyekto sa pag-ibsan sa stress levels ng mga elepante na dala ng pagkamatay ng kanilang alpha female.
Mariin nang binabantayan ngayon ng staff ng zoo ang stress levels ng mga hayop sa pamamagitan ng pagsuri sa kanilang hormone levels at behavioural observation sa mga ito.
Sinabi ni Czujkowska na aabutin ng dalawang taon bago makapaglabas ang zoo ng konkretong datos ukol sa proyekto.